Pahayag ng Mindanao Council of Lumad Women
Kaugnay ng Paghahanap ng Kapayapaan sa Mindanao

HINDI MAIHIHIWALAY ANG USAPING LUPA sa usapin ng Kapayapaan sa Mindanao . Kung kaya't maituturing na positibong hakbang ang pagkilala sa Bangsamoro homeland bilang tuntungan ng mga kasunduang pangkapayapaan sa Mindanao .

KASABAY NITO AY NARARAPAT DING ITURING NA TUNTUNGAN NG KAPAYAPAAN ANG PAGKILALA SA LUPAING NINUNO O ANCESTRAL DOMAIN NG MGA KATUTUBONG MAMAMAYAN SA MINDANAO , ANG MGA LUMAD. Batayang karapatan ng mga Lumad na magdesisyon para sa sariling kapakanan at pamamahala, bilang katauhan na may kinagisnang lupain at nasasakupan, may sariling kasaysayan at paniniwala, may sariling sistema ng hustisya at pamamahala.

Ang pagkilala sa sariling pamamahala ng mga Lumad ay hindi nagpapahiwatig ng paghiwalay sa pambansang pamahalaan. Bagkus NARARAPAT lamang itong ipatupad ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng Indigenous People's Rights Act (IPRA), kung saan nakasaad na nararapat igalang at bigyang proteksyon ang integridad ng mga lupaing ninuno.

Sa parehong diwa maaring tingnan ang relasyon ng pamahalaan sa Bangsamoro homeland, subalit hindi para isaalang-alang ang karapatan ng iba pang mamamayan sa Mindanao . Tungkulin ng pamahalaan na gawing integral ang demokratikong karapatan ng parehong mamamayang Muslim at hindi-Muslim sa proseso ng pangkapayapaang pag-uusap. Kinakailangang palaparin at palalimin ang naaabot ng mga pag-uusap upang hindi magbunga ng di-pagkakaunawaan o di kaya'y antagonismo sa iba't ibang panig.

Ibig sabihin, hindi dapat magpatali sa teknikal at ligal na usapin ang mga partidong nag-uusap para sa kapayapaan, kailangan din itong sabayan ng seryoso at mapanuring pakikinig sa iba't ibang demokratikong grupo sa Mindanao . Lalo na't nakasalang din ang magkakaibang interes sa rekursong pangkabuhayan at likas-yaman ng rehiyon. Dapat suriing mabuti ang pangekonomiyang pamamahala sa lupa, tubig, at iba pang likas na yaman sa Mindanao . Sa kasalukuyan, sino-sino nga ba ang may-kontrol sa mga ito? Ano-ano ba ang hadlang sa mga grupong Lumad sa kanilang pagkakaroon ng mga ancestral domain claims at titles? Sino ba talaga ang nakikinabang? Muli, maging ang pagsusuri sa pangekonomiyang pamamahala ay hindi hiwalay sa usapin ng lehitimong karapatan ng mga Moro at katutubong mamamayan sa lupain ng Mindanao.

Kung ang hangarin ng peace talks ay kaunlaran at pagkakapantay-pantay sa Mindanao , hindi dapat pangambahan na magdudulot ito ng marginalisasyon o pagsasaisangtabi sa ilang seksyon sa lipunan. Bagkus, maari pa ngang tingnan ang prosesong ito na oportunidad upang mabantayan ang interes ng higit na nakararaming mamamayan, laban sa elitista't kapitalistang interes ng mga kumpanyang walang habas na nagmimina at nagtotroso sa kabundukan ng Mindanao.

Bilang tagapangulo ng Mindanao Council of Lumad Women na nakalagda sa pahayag na ito ay nananawagan: Sama-sama nating isulong ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao at ilagay ito sa dapat nitong tuntungan - lupang ninuno, lupang sinilangan, lupang pinagyayaman tungo sa kapayapaan.

FROILYN TENORIO MEDOZAM
Pangulo
Mindanao Council of Lumad Women
libunlumad@yahoo.com / Mobile 09197484018